Pengeng Popcorn

Pengeng popcorn.
Yung madaling lunukin.
Yung di sasagi sa lalamunan kong gasgas sa kasisigaw.
Yung di mararamdaman ng puso kong pagod na pagod nang magmahal.

Pengeng kape.
Yung matapang.
Yung kaya akong ipaglaban kahit kay PacMan.
Yung kayang gisingin ang mga diwang nagtutulug-tulugan.

Pengeng band-aid.
Yung madikit.
Yung di matatanggal hangga’t di naghihilom ang sugat ng nakaraan.
Yung kayang takpan ang mahabang pilat na nagpapanggap na di nakikita.

Pengeng karton.
Yung makapal.
Yung pwedeng tulugan sa kalsadang ligtas naman daw.
Yung pwedeng taguan sakaling di naman pala.

Pengeng dyaryo.
Yung tunay.
Yung di kayang husgahan ninuman.
Yung di ko kayang bilhin sa halagang limang piso at free data.

Pengeng krayola.
Yung maramihan.
Yung makakapagpaalala sa lahat na hindi lang dalawang kulay ang mundo.
Yung magbibigay kulay nang walang malisya.

Pengeng tubig.
Yung malamig.
Yung magtatanggal sa init ng galit ng mga taong inip.
Yung papatid sa uhaw ng mga taong matagal nang nasa gyera.

Pengeng hustisya.
Yung para sa lahat.
Yung hindi naninimbang nang walang piring.
Yung walang pinipiling kahon at panahon.

Pengeng pang-unawa.
Mahabang-mahaba.
Yung tipong binasa ito at hindi nag-iisip na paninira o pangugulo ang habol ko.
Yung bang nalagpasan yung salitang PacMan at karton at sinubukang maniwala na baka yung nagsusulat ay umaasa lang din na maaayos ang lahat.

Pengeng pagmamahal.
Yung may tiwala.
Yung handang magsakripisyo at masaktan pero alam ang tama sa “tama na.”
Yung may respeto.
Yung totoo.
Yung hindi kailangang manloko.

#BarcelonaDidThis
#NoSenateDid
#KathNielKissed
#StopActingLikeYouKnowMyPain
#StopUnfriendingMeHuhuhu
#keepcalmanddemocracywilldie

#StopTheHate

Recommended posts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *