Para sa hindi paglimot

Isa lang ang kasaysayan. Nadaragdagan, humahaba.

Walang maling kasaysayan dahil kung ito ay mali, hindi ito kasaysayan.

Isang araw, masasaliksik ng mga kabataan sa hinaharap ang mga memes, nagpapanggap na news sites, highly opinionated blogs, maging mga bayad at “biased” na balita. Lahat sila ay magiging parte ng kasaysayan. Lahat sila ay bubuo sa isang malaking responsibilidad na sana ay magampanan ng mga susunod na kabataan: Tukuyin kung alin sa mga ito ang naglalahad ng tunay na mga pangyayari at alin ang propaganda lamang.

Paano nga ba maaalala ng susunod na henerasyon ang ating panahon? Ganito yung tanong ng mga taong sumubok na itama ang mali noon. Kaya lang, malaki ang naging kabayaran. Yung iba sa kanila, hanggang ngayon, hindi pa tapos ang laban. Mas maswerte nga kaya sila dahil nabubuhay sila? O lalo lang itong pasakit dahil hindi pa man tapos ang paghilom, binubuksan pang muli ang mga sugat nila?

Hindi nila hinihingi na maging bida sa kasaysayan. Hindi nila hinihingi na baguhin ang kasaysayan. Yung #NeverAgain #NeverForget ay hindi tungkol sa dalawang pangalan lamang o dalawang kulay o dalawang mukha ng kasaysayan.

#NeverForget = ‘Wag natin kalimutan ang mga aral ng kasaysayan.
#NeverAgain = ‘Wag na nating ulitin ang mali ng nakaraan.
In short, ‘wag na nating daanan pang muli ang madugong paraan upang matutunan ang mga aral ng kasaysayan.

Hindi tayo binigo ng demokrasya.
Hindi tayo nilugmok ng kalayaan.
Tayo ang bigo sa paggamit ng kalayaan.
Tayo ang bigo sa pag-abot ng tunay na demokrasya.

Hindi pa naman huli ang lahat… Di ba?

Recommended posts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *