Minsan Kong Sinulat

Minsan akong sumulat para sa’yo, kung maaalala mo…

Mahaba ngunit kulang ang mga letra,

Maraming salita ngunit ang tunay na mensahe, nasa dulo pa rin ng aking dila.

Minsan rin akong sumulat ng kanta, putol at walang musika,

Saulado pa subalit limot na kung bakit ko ito ginawa.

 

Minsan ko na rin atang iginuhit ang iyong mukha,

Sayang, naubusan ng tinta.

Maaaring baka sa tagal na hindi ko maperpekto ang larawan mo,

Nakalimutan ko na kung paano ka nabuo sa isip ko.

Nakalimutan ko na kung sino sa atin ang unang nagpakilala.

Nakalimutan ko na kung kailan ka huling nangamusta.

Nakalimutan ko na kung paano ako nahulog sa kanal patawid sa tambayan mo.

Nakalimutan ko na kung sa’ng banda ako naiwan ng jeep sa kabubuntot sa’yo.

Nakalimutan ko na kung paano… na unti unti akong nilamon ng pag-asang pwedeng maging ako.

Nakalimutan ko na kung sino ka sa buhay ko…

Pero akala ko lang ‘yun…

Dahil naaalala ko pa rin.

 

Naaalala ko pa, minsan akong nagpatugtog ng kanta para sayo,

Umasa akong narinig ngunit wala itong narating.

Naaalala ko pa, minsan mo akong niregaluhan ng tsokolate…

Alam… na alam… na alam mo… ang kahinaan ko.

Unti-unti kong tinikman at araw-araw kong tinipid,

Dahil natakot ako na baka kasabay ng tsokolateng bigay mo,

Maubos na rin ang dahilan ng pagtitig ko sayo;

Na baka gaya ng tsokolateng bihirang manggaling sayo,

Malusaw na rin ang pag-asa na may iba pang maibibigay ang tulad mo sa isang tulad ko.

 

Naaalala ko pa, minsan akong nagpuyat para masabayan ang pagtulog mo,

Dahil minsan akong naniwala na kaya kitang iligtas sa lahat ng mga bagay na bumabagabag sa’yo,

Dahil minsan akong nangarap na baka ako ang sagot sa matagal nang lungkot ng puso mo.

 

Minsan sinubukan kong lumayo at mag-iwan ng kanta para sa’yo,

Hindi mo napansin o sadyang di mo pinansin…

At hindi naging sapat para ako’y iyong pigilin.

Naaalala ko pa at malinaw pa sa’kin ang mga ganap sa nakaraan,

Ngunit limot ko na kung saan nahinto ang lahat.

Limot ko na kung bakit walang pamagat ang istorya nating dalawa.

Limot ko na kung paano nagwakas ang di ko na rin maalala kung paano nagsimula.

 

Ni hindi ko maalala kung paano ko nakalimutan…

Kung paano tumigil ang kamay ko sa pag-abot ng mga sulat na walang sagot,

Kung saang parte ng mukha mo nahinto ng aking pagguhit at pagpintang pilit…

Makulayan lamang ang buhay mo.

 

Hindi ko na alam kung paano pa maaalala ang susunod na mga titik sa putol na lirika,

Kung kailan ka tumigil sa pagtugtog ng gitara,

Kung kailan ako sumukong buuin ang ating kanta.

 

Basta alam ko lang…

Minsan akong naghintay,

Tinulak,

Nawala,

Bumalik,

At tuluyang nawalan ng puwang.

 

Maaaring wala na ring saysay kahit pa magbalik ang lahat ng aking alaala…

Kahit pa lagyan ko ng himig ang kanta,

Kahit pa tapusin ko ang obra ng iyong mukha,

Kahit pa mabasa mo ang aking tula tungkol sa mga liham na wala namang laman…

Dahil wala na rin tayong magagawa kung matagal nang dumating ang pagkakataon para malimutan ng puso ko na minsan syang nasaktan.

Recommended posts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *